Sunday, September 23, 2012

SIGWA
Ni Ricky “Tagalobo” Florindo

Totoo ang kasabihan,
Bumubuhos talaga kapag umuulan.
Walang mapagsidlan ang luha ng kalangitan,
Walang magawa ang tigang na lupa kundi lasapin ang bawat patak.

Kailan kaya darating ang tag-init,
Kailan maiiga ang lupaing nalunod sa luha ng kalikasan,
Kailan darating ang tirik na sikat ng araw,
Kailan muli maamoy ang alimuum na singaw ng lupa.

Ako, ikaw, tayo..
Sigwa ng buhay ay mararanasan at hindi matatakasan,
Subalit magkakaiba tayo sa klase ng pansahod,
Maaaring maliit yung sa’yo, malaki naman yung sa akin.

Dumating na ba ang sigwa sa buhay mo?
Paghandaan mo na kaibigan,
Dahil “when it rain, it really pours.”






Monday, September 17, 2012


KALIKASAN, KAPWA at sandamukal na PERA
Ni Ricky “Tagalobo” Florindo

Nakapiring ang balintataw, kuyom ang busog na palad sa ginto’t pilak,
Blangko ang mukha at paligid, subalit luntian ang mapaglarong isipan,
Maraming plano, subalit marami ring gusot na kailangang lusutan,
Nakasusulasok ang taghoy ng konsensya.
Sanhi ng pagkabulag sa kinang ng ginto’t pilak.
                                    
Saan ba galing ang ginto’t pilak?
Saan ba galing ang buto?
Kapwa produkto ng kalikasan.
Kapwa nagbibigay ng sandamukal na pera.

Ang malawakang iresponsableng pagmimina,
Ang malawakang ganid na pagpapatupad ng mga proyektong reforestation,
Kapwa plano ng tao para sa kalikasan,
Kapwa rin nagbibigay ng sandamukal na pera.

Ang kurikong na dulot ng tagas ng mina,
Ang malawakang pagbaha na dulot ng naaagnas na kagubatan,
Kapwa epekto ng pagsasawalang bahala ng mga nanunungkulan at mga mamamayan
Kapwa mangangailangan ng sandamukal na pera.

Totoong nilikha ng Maykapal ang kalikasan para sa tao,
Sa katunayan, unang Niyang nilikha ang Kalikasan bago ang Tao,
Subalit kasabay nito ay ang tagubilin Nya na pangasiwaan natin ito ng may pagmamahal at konsensya.