Friday, May 8, 2009

Ang Pakikipagtalik ni "Tagalobo" sa mga Multo ng Buhay

...alin sa mga multong ito ang nakatalik mo na?

...mahirap na masarap ang magpaalipin sa sarili mong multo. Mahirap sapagkat literal na mahirap itong takasan at minsan ay nagiging parte pa ng mga bangugot mo, subalit masarap sapagkat alam mong nandyan lang sila, pwede mo silang maging kaibigan o kasangga sa pagtahak sa buhay. Sa kabilang dako, sino ba ang mga multong ito? Paano ba sila nabuo o nabubuo? Ito yaong mga multo na ikaw rin mismo ang lumikha. Mga multo na bunga ng iyong mga naging pagpapasya o desisyon sa buhay. Subjective ang epekto nila sa buhay ng kanilang creator na kanila ring pinapanginoon, depende kung paano ang pakikiharap ng kanilang creator sa kanila. Para sa iba, marahil kaakibat ng pagkaalipin sa mga multong ito ay pang araw-araw na pagkabalisa na kung minsan ay aabot pa sa panghabang buhay na kalungkutan kapag di natakasan, subalit kabaligtaran naman para sa ibang ang naging pagturing ay kaibigan at parte ng buhay at pagkatao. Maraming salik sa lipunan ang nagbubunsod upang mabuo ang mga multong ito ng buhay. Nandyan lang ang mga multong yan, naghihintay na iyong patuluyin...

...Sa sitwasyon ko, pinatuloy ko sila hindi lamang sa buo kung pagkatao kundi maging sa kaibuturan ng aking puso…Hayaan nyong isa-isahin ko ang multo ng buhay na aking naka-daupang palad at patuloy na nakakasalamuha sa aking pang-araw-araw na pamumuhay..

Multo ng Pagkabata. Nabubuo siya kung ikaw ay isang batang tampulan ng tukso, maging sa pisikal man o mental na aspeto, nakakaangat ka man sa buhay o hindi. Para sa’yo pakiramdam mo naiiba ka bilang bata. Di mo kayang makisabay sa tukso ng kapwa mo bata. Na kalaunan ay masusumpungan mo ang iyong sarili na nilalamon ng pagkahabag dahil sa kakulangan ng kung anumang aspeto ng buhay na iyon, na sa bandang huli ay madarama mo na ang kasiyahan ng kapwa mo bata ay kalungkutan para sa iyo…

Multo ng pagbibinata
. Pinakamasarap makasama sa pagbagtas ng masalimuot na buhay ang multong ito. Wala siyang iniisip kundi ang kumawala sa agos ng lipunan at sundin ang pansarili niyang kapasyahan maging tama man ito o mali. Mahilig itong magpatianod sa kawalan sapagkat dun lamang niya nasusumpungan ang kapayapaan. Ang salitang bawal para sa kanya ay kahalintulad ng libog na nakakahumaling ang paglasap.

Multo ng Pag-aaral. Para sa akin ang multong ito ay nababalutan ng hiwaga. Minsan naisipan ko na siyang takasan, subalit ang angkin niyang kakulitan ang nagbunsod upang patuloy akong mahumaling sa kanya na sa pagdaka ay naging daan ng aking pagsikat. Nagdala rin ito ng kasiyahan para sa aking pamilya. Purong kasiyahan para sa kanila subalit magkahalong kasiyahan at lungkot para sa akin sapagkat bawal akong maging tanga, dahil ang katangahan ay isang kasalanan at pagyurak sa aking mga natamong karangalan.

Multo ng Barkada. May iba’t ibang mukha ang multong ito. Sari-saring emosyon ang masusumpungan sa bawat pakikipagtalik sa kanya. Kaulayaw mo ang kumplikadong pagpapasya sa bawat oras na kasama mo siya. Sa karanasan ko, ang multong ito ang umakay sa akin para subukan ang buhay sa labas ng aking sapot. Na sa bandang huli ay naging daan upang kusang dumikit ang mga kulisap habang abala ako sa pagkukumpuni ng masalimuot kong sapot.

Multo ng Pagtatrabaho. Pag-asa ang dala ng multong ito. Lalo na’t ikaw ay isang taong lumaki sa paghihikahos. Ang pakikipagtalik sa kanya ang sagot upang makawala sa tanikala ng kahirapan. Ngunit sa kabilang dako, ang pagmamalabis at pagkahayok sa kanya ay magiging daan upang makalimot sa pansariling pangangailangan at kagustuhan.

Multo ng Pera. Laging hangad ng multong ito na siya ay sambahin. Para sa kanya, siya lamang ang tanging sagot sa problema ng tao at ang katumbas niya ay walang kaparis na kaligayahan. Ang pagkain niya ay dugo’t pawis ng kahirapan at ang basura nya ay kamunduhan at pagkagahaman. Inaanyayahan niya ang lahat na mahirati sa kanyang kinang at malunod sa angkin niyang kapangyarihan.

Sa pakikipagsapalaran natin sa buhay marami pang multo ang maaari nating makaulayaw...sa susunod ko na lamang ikukwento ang iba pang multo na aking nakadaupang palad habang binabagtas ang masalimuot na daan ng buhay....na ako rin ang pumili...

...ikaw, alin sa mga multong ito ang nakatalik mo na o makakatalik pa lamang?

1 comment:

  1. Ika'y isang pokpok ng kapalaran. Huwag munang mag-iisip ng negatibo.

    Bagama't ang "Multo ng Pagkabata" ang naunang humalay sa iyo eh mukhang ang "Multo ng Pagtatrabaho" ang pinakamalaking nakapasok at tuluyang nakawasak ng birheng ka-inosentehan mo.

    At bago mo pa man marating ang sukdulan ng pagiging tao, eh kinailangan mo pang maging kalaguyo ng napakaraming mga makamundong multo: bagama't ang madami sa kanila'y hindi nagdulot ng makirot na pagdurugo sa noon ay bagito mo pang pag-iisip at pagkatao.

    ReplyDelete