Friday, May 8, 2009

Sino si "Tagalobo"?




Saan hango ang salitang “Tagalobo”?


Ang salitang tagalobo ay kumakatawan sa mga mamamayan na likas na naninirahan o isinilang sa bayan ng Lobo, isang liblib na bayan sa probinsya ng Batangas. Ito ang salitang napili ng may ari ng blog na ito (Ricky Florindo) sapagkat sa nasabing bayan siya ipinanganak, nagkaisip at naninirahan hanggang sa kasalukuyan.



Talambuhay ni Ricky Florindo a.ka. Tagalobo

… Bukang-liwayway noon, kalagitnaan ng buwan ng Hulyo, taon sa panahong malapit ng matapos ang martial law, dumadaluyong ang malakas na sipol ng hangin, tikatik ang buhos ng ulan, mula sa radyong de baterya ay maririnig ang di magkamayaw na pag-anunsiyo sa parating na bagyo, subalit sa isang maliit na tahanan sa isang liblib na nayon, ang lahat ng ito kapagdaka’y napatid ng impit na uha ng isang payat na sanggol na kulang sa buwan…isinilang na si “Tagalobo”.

…Ang kanyang pagkabata’y nababalutan ng misteryo. Mula sa mga nagpasalin-saling kwento nang kanyang mga kamag-anak at maging mula sa bibig ng kanyang ina, ay nabuo ang kwento kung paano naging mahiwaga ang kanyang pagkabata. Isang ordinaryong araw noon, normal ang lahat, abala ang mga mamamayan ng munting baryo ng Balatbat sa kanilang pang araw-araw na mga gawain, nang mabasag ang katahimikan ng palahaw na iyak ng isang Ale, balisa ang galaw, mapapansin sa kanyang kandungan ang walang malay na dadalawahing taong gulang na anak. Nangingitim na ang buong katawan ng bata….tila wala ng buhay. Ayon sa salaysay ng ina, habang abala sya sa pagtitinda sa kanyang munting sari-sari store ay di niya namalayan na may aksidente ng nagaganap sa kanyang musmos. Di umano'y tuwang-tuwang pinaglalaruan ng batang tagalobo ang isang lumang baul, binuksan niya ito ng kanyang mga kamay at sinilip kung anu ang maaari pang laruin sa loob nito nang biglang humulagpos ang kanyang pagkakahawak sa takip nito na yari sa matigas at mabigat na kahoy na Molave. Naipit ang kanyang ulo sa loob ng baul, habang nasa labas nito ang kanyang murang katawan. Sa kabilang dako, Isa-isang nagsilapitan ang mga tao. Di magkamayaw sa kakaisip sa kung anung tulong ang maihahandog sa mag-ina. Lumapit ang lolo ng kahabag-habag na bata. Parang isang doktor na inalam ang bawat detalye at parte ng katawan ng bata. Kapagdaka’y napailing na lang ito, sabay bigkas ng mga salitang "Wala ng buhay si Utoy...ipagdasal na lang natin ang kanyang kaluluwa...subalit wag tayong sumuko...mababawi pa natin siya sa Kanya”. Mabigat ang galaw ng bawat segundo, na sinasabayan ng impit na daing at dasal ng mga tao. Patuloy na lumilipas ang oras. Patuloy na nagdarasal ang mga tao. Patuloy na di nawawalan ng pag-asa. Sa pagpatak ng kamay ng orasan sa ikalimang minuto….muling nagkamalay ang bata. Nagliwanag ang buong paligid dahil sa galak ng mga tao roon na di nawalan ng pag-asa. Ito ay isang himala…ang tanging nasambit ng ina ng bata.

Matagal ng nabaon sa limot ang kwentong ito…subalit paulit-ulit na nagbabalik sa tuwing dinadalaw ng kalungkutan si Tagalobo…

Ang batang “Tagalobo ay kakikitaan ng pagiging bibo. Ginugol niya ang kanyang elementarya sa Mababang Paaralan ng Balatbat. Naging interes niya ang pagtula, pagkanta at pagsulat ng maiikling kwento. Nakarating sa iba’t ibang panig ng bansa upang makipagtunggali sa larangan ng pagtula, pakikipagbalagtasan at deklamasyon. Naging masigasig din siya sa pag-aaral at di kalaunan ay nagtapos sa elementarya na taglay ang pinakamataas na karangalan.

Sa Mataas na Paaralan ng Masaguitsit-Banalo unang tumibok ang puso ni Tagalobo, sa babaeng nagngangalang Myrna. Nahumaling siya sa unang bugso ng pag-ibig. Malapit na siyang magtapos ng sekondarya noon, subalit hindi pa rin niya napabayaan ang kanyang pag-aaral hanggang sa dumating ang ikalawang suntok sa kanyang buhay. Pumanaw ang mahal niyang ama. Inakala ni tagalobo na iyon na ang katapusan ng kanyang mundo, subalit sa tuwing magbabalik sa kanyang gunita ang kwento ng kanyang muling pagkabuhay ay parang muli siyang tinutubuan ng pakpak upang muling magpatangay sa inog nito. Nagtapos si Tagalobo ng sekondarya na kamit ang Ikatlong Karangalang Banggit.


Kabalikat ang alaala ng kanyang yumaong Ama, ay lakas loob na sinuong ni Tagalobo ang hamon ng buhay-kolehiyo sa Universidad ng Pilipinas sa Los Baños, Laguna. Sa kabila ng paghihikahos, pinilit niyang tapusin ang kursong Bachelor of Science in Forestry, na di kalaunan ay napamahal na rin sa kanya. Naging karamay niya sa kolehiyo ang kanyang mga itinuturing na kapatid sa mga organisasyong kanyang kinabibilangan tulad ng U.P.Zeta Beta Rho Honor Fraternity at SAMAEKO UPLB. Damang-dama niya noon ang kahirapan ng buhay sapagkat ang kanyang ina na lamang ang tanging nagtataguyod sa kanilang pamilya. At dahil dito nagdesisyon si tagalobo na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho hanggang maluwalhati niyang matapos ang kolehiyo. Natamo ni tagalobo ang ika-walong pwesto sa Forestry Licensure Examination noong taong 2007.

Noong kalaghatian ng taong 2007-2009 ay nagtrabaho si Tagalobo bilangCompany Forester sa isang international mining firm. Makalipas ang dalawang taon ay naghangad syang pumasok sa ABS-CBN Foundation Inc.-Bantay Kalikasan, at sa kabutihang palad ay natanggap sya dito at nagsilbi ng dalawang taon (2010-2012) bilang Company Forester din.

Sa kasalukuyan ay nagtatrabaho sya sa isang sangay ng gobyerno, ang MWSS o Metropolitan Waterworks and Sewerage System bilang isangTechnical Consultant. Patuloy pa rin niyang ginagalugad ang mundo sa paghahanap ng kasagutan sa kung anu ang purpose ng kanyang ikalawang buhay.


“Sa ibinigay Mo na pangalawang buhay sa akin, nangangako ako na kasabay ng paglasap ko sa tamis at pait ng buhay ay magsusumikap akong mamuhay ng naaayon sa kalooban Mo.” -Tagalobo

2 comments:

  1. NIce one brod, ngayun ko lang nakita tong blog mo :) I followed your blog using google friend connect. Madami ako blog feel free to browse :)

    ReplyDelete
  2. thnx sis for visiting my blog, hope u found it interesting.Feel free to browse it for more updates.thnx again.misyah.

    ReplyDelete