Hinagpis ng lahing Kuto
Matagal-tagal na rin ang nilakbay ng aming lahi,
Subalit magpasahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang aming pamamayani.
Marahil pinatibay na ng haring panahon ang aming kalooban,
Na nakasalalay sa mas dominanteng nilalang ang aming paglisan.
Sa bawat paglasap namin ng buhay ay may nakaambang kamatayan,
At sa bawat pagkayod dugo’t pawis ang inaasam.
Masalimuot ang aming daan patungo sa kaginhawaan,
Magkagayunman ay kailangan pa rin naming mabuhay.
Mabilis kaming dumami sapagkat naniniwala kami sa sarap ng libog.
Na sa bawat pag indayog ng katawan ay pamamayagpag ng aming lahi.
Tahanan namin ang anit ng lipunan,
At kasiyahan ang maglakbay sa masalimuot na daan.
Gahaman kami sa teritoryong aming pinamumugaran,
Walang pakialam sa nagbibigay-buhay,
Pansariling kapakanan ang laging iniisip,
Kamatayan man ang maging kalakip.
Dugo ng mahinang nilalang aming umagahan, tanghalian at hapunan,
At lakas namin ay init ng araw ang pinagmulan.
Kami ang mga bansot na bampira ng alinmang henerasyon.
Kaagapay nitong lipunan sa pag-urong at pagsulong.
Layunin namin ang patuloy na mangibabaw,
Umakyat sa tuktok at dun magsisigaw.
Kami ay nilikha upang tingalain,
Tahanan man namin ay galugarin at kami ay patayin.
No comments:
Post a Comment